Showing posts with label Ang Pagbabalik ni Sisa. Show all posts
Showing posts with label Ang Pagbabalik ni Sisa. Show all posts

Friday, January 18, 2013

"Ang Pagbabalik ni Sisa": Episode 291

Babala: “Ang Pagbabalik ni Sisa” ay isang kathang-isip lamang ng may akda. Ito ay pawang imahinasyon. Ang pagkakaparehas o malapit na pagkakaparehas sa mga lugar, tauhan o pangyayari ay hindi sinasadya.

Ang Katotohanan


Habang papalapit sina Clara at Sino sa bahay nina Crispin, bigla na lang may dalawang lalaking matitipuno ang katawan ang humila sa kanila habang paliko sila sa kanto. Nagulat sina Clara at Sino sa pangyayari dahil bigla na lang silang kinaladkad ng mga ito patungo sa malapit na bahay. Pagdating sa bahay, ikinulong sila sa kuwarto at pinagbilinang huwag silang mag-ingay. Dali-daling umalis ang dalawang lalaki, pero sa pakiramdam ni Sino, iyong isa lang ang umalis at naiwan ang isa sa may labas ng pintuan ng kuwarto nila.

Pagkalipas ng kinse minutos, may malumanay na kumatok sa pintuan at nabigla sila ng makitang si Basilio pala ito. Dali-daling lumapit si Sino kay Basilio, habang nakasunod si Clara. Nagkumustahan ang tatlo at humingi ng paumanhin si Basilio kung nagulat sila sa dalawang lalaki. Inalam ni Basilio sa dalawa kung ano ang tunay na nangyari noong nakaraang gabi. Ipinaliwanag ng maigi ni Sino habang panay tango naman si Clara sa bawat katagang sinasambit nito. Sumasabat ng paminsan-minsan si Clara para punuan ang kuwento ni Sino. Tahimik na nakikinig at inuunawa ni Basilio ang mga nilalathala ni Sino. Nagtaka si Basilio at parang walang alam si Sino at Clara kung ano ang tunay na nangyari pagkaalis nila sa hardin ng simbahan.

Pinag-iisipan at iniintinding maigi ni Basilio ang lahat ng mga sinasabi ni Sino at Clara. At napagtanto niya na walang kaalam-alam ang dalawa sa sinapit ni Crispin. Hindi niya tuloy mawari kung paano niya sasabihin na patay na si Crispin lalong-laluna na kay Clara, na nalaman na rin niya na may tinding sakit ito.

Pinag-merienda muna niya ang dalawa. Pagkatapos mag-merienda, pinakiusapan niya si Sino na kung maaari ay mag-usap silang dalawa lang muna, malayo sa pandinig ni Clara. At dito na nga ipinagtapat ni Basilio kay Sino na patay na si Crispin. Matinding kalungkutan ang nadarama ni Sino at nadagdagan pa ito ng hindi malaman kung paano sasabihin kay Clara ang tunay na nangyari kay Crispin.

Paano kaya sasabihin ni Sino at Basilio kay Clara na wala na ang kanyang pinakakamahal! Matatanggap kaya ni Clara?..... Abangan sa susunod na kabanata!

Thursday, December 13, 2012

"Ang Pagbabalik ni Sisa": Episode 290

Babala: “Ang Pagbabalik ni Sisa” ay isang kathang-isip lamang ng may akda. Ito ay pawang imahinasyon. Ang pagkakaparehas o malapit na pagkakaparehas sa mga lugar, tauhan o pangyayari ay hindi sinasadya.

Ang Itutuloy ng Nakaraan Bago ang Nakaraan -
Si Mang Tasyo at Aleng Tisya

Madilim ang gabi at malamig ang ihip ng hanging pumapagaspas sa mga dahong kulay dilaw at berde. Maalikabok ang daang patungo sa isang bahay na malapit sa isang tulay na dinadaluyan ng tubig-ilog na patungong karagatan. May dalawang anino na malumanay na naglalakad at tila mga pagod na pagod. Paanas na nag-uusap ang dalawa sa may ilalim ng malaking puno ng mangga. Parang litong-lito sila sa mga pangyayari. Itinanong ng isa kung ano ang nangyari. Tugon ng isa, naguguluhan siya at hindi niya mapagtanto kung ano ang tunay na nangyari sa kadahilanang napakabilis ang mga eksena.

Sinakmal ng takot si Sino at Clara ng napagtanto nila ang mga pangyayari. Tahimik na tahimik pa ang buong paligid at nagpasya ang dalawa na makituloy muna sa natatanaw nilang bahay sa hindi naman kalayuan sa kanilang kinaroroonan. Nakituloy sina Sino at Clara sa bahay na malayong kamag-anakan pala ni Sino ang may-ari. 

Magiliw na pinagsilbihan ng maybahay ang dalawa… pinakain at pinahiram ng bihisan. At hindi sila pinayagang bumalik pa sa bayan dahil malalim na ang gabi. Ani ni Mang Tasyo ‘dito na kayo magpalipas ng magdamag. Si Clara at si Aleng Tisya na lang ang matulog sa silid, samantalang dito na tayo matulog sa sala, Sino!’

Hindi na tumanggi ang dalawa sa alok ng mag-asawa sa kadahilanang mapanganib ang bumalik sa bayan sa ganoon oras na ng gabi. Pero, pinakamatinding dahilan ng pag-aatubili nila ay ang hindi nila maarok kung ano ang tunay na nangyari kay Crispin.Hanggang sa kinabukasan sakmal pa rin ng takot sina Sino at Clara. Maaga silang nagising sa kadilanang halos hindi naman talaga sila nakatulog dahil sa matinding pag-aalala. Nagpaalam at nagpasalamat ang dalawa sa mag-asawa. 

Tahimik na tahimik ang buong paligid. Dahil sa sobrang aga pa, ni isa mang tao ay walang makitang naglalakad sa gitna ng daan. Naglalakad ng malumanay sina Sino at Clara. At ng malapit na sila sa bahay nina Crispin, bigla na lang silang nakarinig ng mga panaghoy at paghikbi. Nagulat ang dalawa sa naulinigan nila at tila may kalagim-lagim na nangyari o kaya’y mangyayari pa.

Abangan ang susunod na kabanata: Ano na kaya mangyayari kina SINO at CLARA? Tatanggapin pa kaya sila ng mga pamilya nila?

Wednesday, November 21, 2012

"Ang Pagbabalik ni Sisa": Episode 289

Babala: “Ang Pagbabalik ni Sisa” ay isang kathang-isip lamang ng may akda. Ito ay pawang imahinasyon. Ang pagkakaparehas o malapit na pagkakaparehas sa mga lugar, tauhan o pangyayari ay hindi sinasadya.


Bago Nangyari ang Nakaraan -
Ang Pagtatagpo
Sa hindi pa masyadong maraming araw na nagdaan, nagkita si Clara at Sino sa may palengke. Nakiusap si Clara kay Sino na kung puwede silang magkita sa ilalim ng puno ng akasya na matatagpuan sa may hardin sa likuran ng simbahan na malapit sa plaza at katabi ng eskuwelahan. Alam ni Sino na madaling hanapin ang tagpuan nila dahil nag-iisa lang naman ang eskuwelan sa bayan nila. 

Sa katagang namutawi sa labi ni Clara na kailangang-kailangan nilang magtagpo dahil may sasabihin siyang napaka-importante kay Sino, nagkasundo silang magkita noong araw din iyon sa bandang dapit hapon. May pag-aalinlangan si Sino dahil alam niyang kasintahan ni Crispin si Clara, subalit ito ay naglakas loob na makipagkita sa kadahilanang siya ay naniniwalang may napaka-importanteng sasabihin si Clara sa kanya.

Si Clara ay kilala bilang anak-anakan ni Kapitan Diego, isang mayamang haciendero na taga-Ibayo. Napaka-impluensiya ng pamilyang ito at maraming mga kaibigan sa gobyerno at mga kilalang pamilya sa lipunan. Maganda si Clara at maraming nanliligaw sa kanya, pero nagustuhan niya si Crispin. Maligaya siya sa relasyon nila, ngunit malungkot siya dahil sa isang sikreto. At ang sikretong ito ang dahilan kung bakit kailangan niyang makausap si Sino. Si Sino ay kababata niya at matalik na kaibigan. Madalas kapag may problema si Clara ay kay Sino siya nagtatapat.

At ng araw din iyon, mga bandang dapit hapon, nagkita sina Clara at Sino sa itinakda nilang lugar. Sa kanilang pag-uulayaw ay di nila nakaligtaang gunitain ang kanilang matalik na pagkakaibigan magmula pa noong mga bata pa sila. Pagkatapos nito, nagsimula ng ipagtapat ni Clara ang kinikimkim niyang sikreto. Ayon kay Clara, mayroon siyang matinding sakit at nararamdaman niyang malapit na siyang pumanaw sa mundong ito. Nasabi niyang malapit na siyang sumakabilang buhay ay sa kadahilanang sinusundo na raw siya ng mga magulang at kapatid na ilang taon ng pumanaw. Napapadalas na raw niyang nakikita sila sa kanyang panaginip. Nakatingin lamang si Sino kay Clara at inuunawa ang bawat katagang namumutawi sa kanyang labi.

Nasindak si Sino noong maintindihan niyang lahat ang sinasabi ni Clara. At sa pagkagulat, bigla siyang lumapit sa dalaga at niyapos ito ng mahigpit. Sa tindi ng paghihinagpis ni Clara, napayakap na rin siya ng mahigpit kay Sino. At ito ang kasindak-sindak na eksena na nasaksihan ni Crispin noong gabing iyon, na siyang nagpasidhi ng sama ng loob niya.

Paunawa mula sa may Akda: Sa episode na ito ay naunawaan natin kung bakit nasa ganoong pagkakataon sina Sino at Clara… wala naman pala silang masamang ginagawa. Babala na huwag basta susugod ng hindi naiintindihan ang tunay pangyayari!

Tuesday, November 13, 2012

"Ang Pagbabalik ni Sisa": Episode 288

Babala: “Ang Pagbabalik ni Sisa” ay isang kathang-isip lamang ng may akda. Ito ay pawang imahinasyon. Ang pagkakaparehas o malapit na pagkakaparehas sa mga lugar, tauhan o pangyayari ay hindi sinasadya.

 Ang Karugtong ng Nakaraan - 
"Ang Pagkamatay ni Crispin"

Ganoon na lamang ang galit na naramdaman ni CRISPIN noong makitang yakap-yakap ng isang lalaki ang kaniyang kasintahan na si CLARA. At lalong naghimagsik ang kanyang kalooban ng napagtanto niya na ang lalaking ito ay walang iba kundi ang kapatid niya sa labas na si SINO.

Pakiramdam niya ay pinagtakluban siya ng langit at lupa. Hindi na napigilan ni CRISPIN ang kanyang sarili at dali-dali itong lumapit sa guwardiya-sibil na noong oras na iyon ay kumakain ng hapunan. Nagngitngit lalo ang kalooban niya ng makitang tuyo ang ulam ng guwardiya-sibil. Naalala niyang bigla ang nawawalang tuyo na dapat ay ulam nila noong isang araw.

Lalong nagdilim ang kanyang paningin at bigla na lang niyang hinablot ang espada ng guwardiya sibil. Tumakbo ito ng mabilis pasugod sa dako nina SINO at CLARA. Nabigla si SINO ng makitang sumusugod si CRISPIN papunta sa kinaroroonan nila. Hinila niyang bigla si CLARA at kumaripas sila ng takbo palabas ng hardin. 

Habang tumatakas sina SINO at CLARA, hinabol naman ng guwardiya-sibil si CRISPIN. Naabutan siya ng guwardiya-sibil… nagpanlaban sila… at sa huli, nasaksak ng guwardiya-sibil si CRISPIN. Nalugmok sa lupa si CRISPIN na hawak-hawak ang kanyang duguan na dibdib. 

Nilapitan ng guwardiya-sibil si CRISPIN at nanlumo ito dahil wala ng hininga si CRISPIN… sumakabilang buhay na si CRISPIN!

(Note from the AUTHOR: Ngayon alam na natin kung paano namatay si CRISPIN)!







Abangan ang susunod na kabanata: Ano na kaya nangyari kina SINO at CLARA?


Sunday, November 4, 2012

"Ang Pagbabalik ni Sisa": Episode 287

Babala: “Ang Pagbabalik ni Sisa” ay isang kathang-isip lamang ng may akda. Ito ay pawang imahinasyon. Ang pagkakaparehas o malapit na pagkakaparehas sa mga lugar, tauhan o pangyayari ay hindi sinasadya.

Ang Nakakamanghang Dilag


Namangha si Crispin dahil ang nakita niyang dilag ay walang iba kundi ang kaniyang kasintahan. Halo-halong emosyon ang kaniyang naramdaman: galak, sorpresa, tuwa, taka! Nag-uumapaw sa galak ang kaniyang puso, ngunit sobrang pagtataka ang kaniyang naramdaman. Susugod na sana siya tungo sa kinaroroonan ng kaniyang kasintahan, subalit siya ay nag-atubili. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang pag-aalinlangan at habang nagmumuni siya, ay parang may napansin siyang gumalaw sa bandang tabi ng malaking kahoy na akasya. Bahagyang nasisinagan ng liwanag ng buwan ang dako pa roon, kaya hindi niya kaagad napagtanto ang pangyayari. At sa isang iglap, nakita na lang niyang yakap-yakap ng isang lalaki ang kaniyang kasintahan! Nag-init ang buong katawan ni Crispin at nagdilim ang kapaligiran niya…. 

Abangan ang susunod na pangyayari sa 'Ang Pagbabalik ni Sisa'. Malalaman na kaya natin sa Episode 288 kung sino ang lalaking yakap-yakap ng kasintahan ni Crispin?

Tuesday, October 30, 2012

"Ang Pagbabalik ni Sisa": Episode 286


Babala: “Ang Pagbabalik ni Sisa” ay isang kathang-isip lamang ng may akda. Ito ay pawang imahinasyon. Ang pagkakaparehas o malapit na pagkakaparehas sa mga lugar, tauhan o pangyayari ay hindi sinasadya.

                  Ang Panibagong Panimula

Ang Nakaraan
Nabuking na ng buong pamilya ni Sisa ang katotohanan, na si Sino na matagal na nilang kakilala ay anak pala ng kanyang asawa sa Yaya nina Crispin at Basilio. At dahil sa situasyon na ito kaya tuluyang nawala ang katinuan ni Sisa.

Ang Eksena Ngayon

Isang gabing maliwanag ang buwan, naisipan ni Crispin lumabas ng bahay at maglakad-lakad sa mahabang kalsada papunta sa simbahan. Sa hindi niya malamang kadahilanan ay parang hinihila ang mga paa niya papunta sa may hardin sa likuran ng simbahan. Ang halimuyak na dala ng hangin ay dumampi sa kanyang pisngi at napagtanto niya na parang pamilyar ang amoy na ito. Kaya naman dali-dali niyang tinahak ang daang papasok sa hardin. At namangha siya sa kanyang nakita... isang napakagandang dilag ang kanyang nasilayan... at sa isang tingin palang niya ay parang kilala na niya ito!

Abangan ang susunod na episode: Sino ang dilag na nakita ni Crispin? At ano ang kinalaman niya sa istorya? Sino ang ama nina Crispin, Basilio at Sino?... dami pa palang tanong na kailangang sagutin...