Wednesday, November 21, 2012

"Ang Pagbabalik ni Sisa": Episode 289

Babala: “Ang Pagbabalik ni Sisa” ay isang kathang-isip lamang ng may akda. Ito ay pawang imahinasyon. Ang pagkakaparehas o malapit na pagkakaparehas sa mga lugar, tauhan o pangyayari ay hindi sinasadya.


Bago Nangyari ang Nakaraan -
Ang Pagtatagpo
Sa hindi pa masyadong maraming araw na nagdaan, nagkita si Clara at Sino sa may palengke. Nakiusap si Clara kay Sino na kung puwede silang magkita sa ilalim ng puno ng akasya na matatagpuan sa may hardin sa likuran ng simbahan na malapit sa plaza at katabi ng eskuwelahan. Alam ni Sino na madaling hanapin ang tagpuan nila dahil nag-iisa lang naman ang eskuwelan sa bayan nila. 

Sa katagang namutawi sa labi ni Clara na kailangang-kailangan nilang magtagpo dahil may sasabihin siyang napaka-importante kay Sino, nagkasundo silang magkita noong araw din iyon sa bandang dapit hapon. May pag-aalinlangan si Sino dahil alam niyang kasintahan ni Crispin si Clara, subalit ito ay naglakas loob na makipagkita sa kadahilanang siya ay naniniwalang may napaka-importanteng sasabihin si Clara sa kanya.

Si Clara ay kilala bilang anak-anakan ni Kapitan Diego, isang mayamang haciendero na taga-Ibayo. Napaka-impluensiya ng pamilyang ito at maraming mga kaibigan sa gobyerno at mga kilalang pamilya sa lipunan. Maganda si Clara at maraming nanliligaw sa kanya, pero nagustuhan niya si Crispin. Maligaya siya sa relasyon nila, ngunit malungkot siya dahil sa isang sikreto. At ang sikretong ito ang dahilan kung bakit kailangan niyang makausap si Sino. Si Sino ay kababata niya at matalik na kaibigan. Madalas kapag may problema si Clara ay kay Sino siya nagtatapat.

At ng araw din iyon, mga bandang dapit hapon, nagkita sina Clara at Sino sa itinakda nilang lugar. Sa kanilang pag-uulayaw ay di nila nakaligtaang gunitain ang kanilang matalik na pagkakaibigan magmula pa noong mga bata pa sila. Pagkatapos nito, nagsimula ng ipagtapat ni Clara ang kinikimkim niyang sikreto. Ayon kay Clara, mayroon siyang matinding sakit at nararamdaman niyang malapit na siyang pumanaw sa mundong ito. Nasabi niyang malapit na siyang sumakabilang buhay ay sa kadahilanang sinusundo na raw siya ng mga magulang at kapatid na ilang taon ng pumanaw. Napapadalas na raw niyang nakikita sila sa kanyang panaginip. Nakatingin lamang si Sino kay Clara at inuunawa ang bawat katagang namumutawi sa kanyang labi.

Nasindak si Sino noong maintindihan niyang lahat ang sinasabi ni Clara. At sa pagkagulat, bigla siyang lumapit sa dalaga at niyapos ito ng mahigpit. Sa tindi ng paghihinagpis ni Clara, napayakap na rin siya ng mahigpit kay Sino. At ito ang kasindak-sindak na eksena na nasaksihan ni Crispin noong gabing iyon, na siyang nagpasidhi ng sama ng loob niya.

Paunawa mula sa may Akda: Sa episode na ito ay naunawaan natin kung bakit nasa ganoong pagkakataon sina Sino at Clara… wala naman pala silang masamang ginagawa. Babala na huwag basta susugod ng hindi naiintindihan ang tunay pangyayari!

0 comments:

Post a Comment